Reading Time: 1 minute

LEGAZPI CITY – Bagsak sa kamay ng kapulisan sa lalawigan ng Albay ang isang Indian national na sinasabing sangkot sa kidnap for ransom.

Arestado si Jodinger Singh alyas Jinder Kang o Harry, 35, na sinasabing kasapi nang tinagruiang Goldy kidnap for ransom group at kasalukuyang nananatili sa Brgy. Bongabong, sa bayan ng Camalig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Dexter Panganiban, tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office, nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group ng Kampo Crame sa local police units matapos na makatanggap ng sumbong na nasa lugar ang suspek at nagtatago.

Isinilbi kay Singh ang arrest warrant para sa kasong kidnapping at serious illegal detention na ibinaba mula sa Regional Trial Court Branch 24 ng Binan City, Laguna.

Wala naman inirekomendang piyansa sa mga kasong kinakaharap nito.

Hindi na rin nagbigay pa ng ibang detalye sa kaso ng akusado ang naturang opisyal habang ibiniyahe na rin ito patungo sa court of origin para sa kaukulang aksyon.