Reading Time: 1 minute

Nakatakda nang pabalikin sa kanilang bansa ang isang Indian national na inaresto ng Bureau of Immigration (BI) agents sa Boracay dahil sa pagtatrabaho sa isang restaurant na walang kaukulang permit at visa.

Ayon kay BI Intelligence Division Acting Chief Fortunato S. Manahan Jr. ang suspek ay kinilalang si Vincent Joseph Mondal, 42.

Ang naturang suspek umano ay overstaying at undocumented alien na naaresto noong Setyembre 4.

Naaktuhan ang foreigner na nagtatrabaho bilang chief cook sa Namaster Restaurant na malapit lamang sa Boracay public market.

Inaresto ang suspek matapos makatanggap ang BI ng impormasyon na nakapasok ito sa pamamagitan ng backdoor.

Lumalabas na ang Indian national ay pinagbawalan na ring pumasok sa bansa noon matapos ilagay sa immigration blacklist anim na taon na ang nakakaraan.

Bigo raw noon na magbayad ang suspek ng multa dahil sa isyu ng overstaying dito sa Pilipinas.