CAUAYAN CITY- Sinampahan ng kasong acts of lasciviousness ang isang Indian National matapos umanong hipuan sa dibdib ang isang lady guard sa Canciller Avenue District 1, Cauayan city.

Ang suspek ay si Derma Sanduh, 20 anyos, residente ng San Lorenzo Subdivision, Marabulig 1, Cauayan City.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Irene, 33 anyos, dalaga at residente ng barangay Dist. 1 Cauayan City.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan Police station na habang abala umanong gumagawa ng christmas tree ang dalaga kasama si Rafael Leon sa isang flower shop ay lumapit umano ang indian national at sinabihan ang biktima na malaki ang pag-aari nito.

Sinipa siya ng dalaga matapos umanong hawakan ang kanyang kanang dibdib.

Agad naman umanong humingi ng tulong sa Cauayan Police Station si Leon.

Sinampahan ng kaso si Sanduh at Php36,000.00 ang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

Magugunitang una nang nasampahan ng kasong disobedience upon a person or agent in authority ang suspek matapos pagsalitaan ng masasama ang mga pulis sa isang checkpoint subalit nakalaya matapos na mag piyansa.