Umabot na ng halos 25,000 ang naitalang bagong kaso ng coronavirus disease sa bansang India habang 487 ang namatay sa loob ng 24 oras.
Sa ngayon ay pumalo na ng 767,296 ang kabuuang bilang ng COVID-19 case sa naturang bansa, batay sa datos na inilabas ng health ministry.
Ayon sa pagsasaliksik ng Institute of Mathematical Sciences sa Chennai, tumaas umano ng 1.9 ang transmission rate ng virus noong unang linggo ng July matapos bumaba sa 1.83 noong Marso. Ang transmission rate ay ang bilang ng bagong kaso na naitatala mula sa isang kaso.
Mas lalong tumaas ang bilang ng mga taong dinadapuan ng deadly virus sa India makaraang luwagan ng bansa ang mga umiiral na health protocols at mas pinaigting pa ang ginagawang testing. Umaabot na kasi ng 200,000 COVID-19 tests ang nagagawa ng nasabing bansa sa loob ng isang araw.
Aminado naman ang mga health experts na hindi pa nila alam kung hanggang saang lugar na umabot ang virus sa bansa kung kaya’ mas lalo pa raw dapat na magsagawa ng testing ang Indian government.