Hinahangad ng India na palawakin ang pakikipag-ugnayan ng hukbong-dagat sa Pilipinas habang nakahanay ang mga priyoridad ng dalawang bansa sa pagpapanatili ng malaya at matatag na rehiyon ng Indo-Pacific.
Sinabi ni Indian Ambassador to the Philippines Shambhu Kumaran na nakikita niya ang mga pagkakataon para sa kooperasyon sa naval domain dahil ang depensa ay isang “new area” ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng New Delhi at Manila.
Idinagdag niya na hindi inaalis ng India ang posibleng joint patrol sa Philippine Navy ngunit binanggit na wala pang aktibong panukala para sa aktibidad.
Sinabi ni Kumaran na ang layuning ito na palakasin ang ugnayan ng depensa sa Pilipinas ay hindi naka-target laban sa anumang bansa kundi isang hakbang bilang pagpapatatag sa naval cooperation ng dalawang bansa.
Sinabi ng envoy na nais ng India na makita ang rehiyon ng Indo-Pacific na umunlad sa isang mapayapang paraan kung saan nagpapatuloy din sa freedom of navigation at unimpeded commerce.
Sa taong ito, ang India sa unang pagkakataon ay nanawagan para sa pagsunod sa 2016 Arbitral Award sa West Ph Sea na nagpawalang-bisa sa malawakang pag-angkin ng Beijing sa ilalim ng tinatawag nitong nine-dash line sa rehiyon.
Ang India kasama ang Pilipinas, Malaysia, Indonesia at Vietnam ay nagprotesta sa bagong “standard map” ng China kung saan kasama ang ilang mga tampok ng Pilipinas sa West Philippine Sea bilang bahagi ng mga pambansang hangganan ng Beijing.