-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni US Secretary of Defense Pete Hegseth ang paglabas-masok ng US bombers sa Iran nang walang sinumang nakakaalam.

Ito ay kasunod ng matagumpay na pagpapasabog ng US bombers sa tatlong nuclear sites ng Iran nitong araw ng Linggo, June 22 na tinawag na “Operation Midnight Hammer”.

Base sa mapang ibinahagi ng Pentagon sa flight route ng B-2 stealth bombers na ginamit ng US sa pagpapasabog sa nuclear sites ng Iran, nagtungo ang mga ito sa Iran sa pamamagitan ng Mediterranean at saka dumaan sa Israel, Jordan at Iraq.

Hindi naman malinaw kung nasabihan ang tatlong bansa hinggil sa flights ng US bombers.

Ayon sa Pentagon chief, kasama sa operasyon ang masusi at maagang pagpaplano, misdirection at ang pagpapairal ng pinakamataas na operational security at hindi namamalayang paglabas-masok ng kanilang bombers nang hindi nalalaman ng Iran.

Nagmarka naman ito ng kauna-unahang paggamit sa operasyon ng higanteng 30,000 pound bunker busting bombs na tanging ang US aircraft ang kayang makapagdala at ng Massive Ordnance Penetrator.

Samantala, ipinagmalaki din ng Pentagon chief na walang ibang bansa aniya sa mundo ang makakagawa ng naturang operasyon kundi ang Amerika.

Bagamat pinuri ng Pentagon chief ang pambihirang tagumpay ng kanilang kaalyado na Israel partikular na ang militar nito mula sa simula hanggang sa nagpapatuloy na pagpapahina nito sa kapasidad ng Iran.

Ayon naman sa Israel, isinagawa ang pag-atake ng US sa Iran sa pakikipagtulungan sa kanilang militar, bagamat nilinaw naman ng US na hindi kasama sa pag-atake ang jets ng Israel.

Samantala, sa kabila naman ng pag-atake sa kanilang nuclear facilities, inihayag ng Iran na walang nadetect na leak ng anumang nuclear material.