-- Advertisements --

Nagsagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng rehabilitasyon sa coral reef sa Pag-asa Island at Kalayaan Island Group.

Ito ay parte ng nagpapatuloy na inisyatiba ng pamahalaan para protektahan at pangalagaan ang maritime environment sa West Philippine Sea.

Ayon sa PCG, layunin ng misyon na muling buhayin ang mga bahura sa lugar na mahalaga sa marine biodiversity ng rehiyon at maprotektahan ang karagatan.

Pinangunahan ng PCG Marine Science Group ang naturang misyon sa pakikipagtulungan ng Palawan Council for Sustainable Development and marine scientists mula sa Western Philippines University – Puerto Princesa Campus.

Dito, isinagawa ang pagtukoy sa coral fragment, handling at replanting procedures at pag-assist sa biodiversity assessments at underwater surveys.

Ang rehabilitasyon sa coral reef sa naturang karagatan ay isinagawa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para protektahan at buhayin ang humihinang ecosystems sa WPS.

Matatandaan nauna ng inakusahan ng PCG ang China ng pagtatapon ng mga durog at patay ng corals sa ilang maritime feature ng WPS at ibinabalang maaaring panimula ito sa posibleng reclamation activities ng higanteng bansa.