-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Kumpiyansa ang Malay-Boracay Tourism Office na malalampasan nila ang target na tourist arrival ngayong buwan ng Hunyo hanggang Oktubre sa gitna ng Habagat o Southwest monsoon season.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office na target nilang maabot ang hindi bababa sa 8,000 per day na turista.

Samantala, umaabot na sa mahigit sa 109,000 ang turistang nagbakasyon sa Isla ng Boracay sa unang 15 araw ng kasalukuyang buwan ng Hunyo 2025.

Batay sa kanilang datos, kabuuang 109,079 ang turistang nagbakasyon sa Boracay simula Hunyo 1 hanggang 15, 2025.

Sa naturang bilang, nasa 99,278 ang domestic tourists habang 1,192 ang Overseas Filipino Workers (OFWs), at 8,609 ang foreign tourists.

Kadalasang bumababa ang bilang ng mga turista tuwing Habagat dahil sa mga pag-ulan, malamig na panahon at malalaking alon sa kadagatan kung saan hindi ideal sa pagbiyahe ng mga turista at pagsasagawa ng mga sea sports activities sa isla.

Sa kabila nito, may mga bakasyunista pa rin na pumapasok sa Boracay lalo na ang mga gustong mag-avail ng mas murang nga hotel packages at hindi overcrowded na isla.

Nabatid na noong Mayo 1 hanggang 31 ng kasalukuyang taon, naka-record ang tanggapan ng tourist arrivals na umaabot sa 222,952.