Tahasang inihayag ni dating senador at Representative-elect Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Partylist na takot umano si Vice President Sara Duterte na magkaroon ng isang full-blown investigation dahil lalabas doon ang mga ebidensya na magpapatunay ng mga alegasyon laban sa kanya gaya ng maling paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni De Lima na ang takot na ito ang nagpapaliwanag sa tila isang koordinadong estratehiya upang pahabain o hadlangan ang proseso sa Senado kabilang ang paghahain ng mga legal na mosyon, mga biyahe sa ibang bansa, at ang posibleng paggamit ng desisyon ng Ombudsman upang maagang hadlangan ang paglilitis.
“This is really cause for concern kasi ang pinaka-objective is hangga’t maaari hindi dapat magkaroon ng trial proper. Hangga’t maaari hindi dapat lumabas ang mga ebidensya,” pahayag ni De Lima.
Kamakailan lamang, inatasan ng Office of the Ombudsman na pinamumunuan ng appointee ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Samuel Martires ang Bise Presidente na magsumite ng sagot sa mga kasong plunder, technical malversation, at iba pa, batay sa ulat na inaprubahan ng House Committee on Good Government.
Ang kautusang ito ay inilabas ilang linggo matapos aprubahan ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte na ngayon ay nakabinbin sa Senado.
Sinabi ni De Lima na kung ibabasura ng Ombudsman ang reklamo, maaari itong gamitin upang pahinain ang kaso ng prosekusyon laban sa Pangalawang Pangulo.
Nauna rito, tinangkang ipa-dismiss ni Sen. Ronald dela Rosa ang articles of impeachment, ngunit sa halip ay piniling ibalik ng Senado ang mga dokumento sa Kamara.
Ang hakbang na ito ay mariing pinuna ng mga legal expert at itinuring ng House prosecution bilang isang delaying tactic.
Nagsumite rin ang kampo ni Vice President Duterte ng appearance “ad cautelam” sa impeachment court na nagpapahiwatig ng posibilidad ng mga susunod pang procedural challenges.
Itinuro ni De Lima na ang sunod-sunod na mga aksyon mula sa biglaang kautusan ng Ombudsman na magsumite ng counter-affidavit hanggang sa nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kinukuwestiyon ang pagpapasa ng Articles of Impeachment ay nagpapakita ng isang pattern.
Pinuna rin niya ang patuloy na pagliban ni Duterte sa bansa sa gitna ng lumalalang usapin sa batas.
Kumpirmado rin aniya na ang Articles of Impeachment ay may kasamang mga alegasyon na may kinalaman sa mga transaksiyon sa bangko at paggamit ng pekeng dokumento sa pagli-liquidate ng pondo ng bayan.
Dagdag pa niya, tila ginagamit ni Duterte ang parehong legal at public relations na estratehiya upang kontrolin ang naratibo at guluhin ang proseso.