-- Advertisements --

Suportado ng Department of Health (DOH) ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pagbibigay insentive sa mga barangay na wala nang naitatalang kaso ng COVID-19 sa loob ng dalawang buwan.

Ayon sa DOH, may local autonomy ang si Mayor Isko Moreno bilang local chief executive. Ibig sabihin, maaari siyang magpatupad ng mga polisiya sa kanyang nasasakupan.

“Kami po sa Kagawaran ay nagagalak at kami po ay sumusuporta sa mga pagkukusa ng mga LGUs na katulad nito. Iisa po ang layunin ng Kagawaran at ng Syudad ng Maynila at ito po ay mapuksa ang virus at masiguradong hindi na ito kakalat.”

Sa isang public adddress nitong Lunes, sinabi ni Moreno na magbibigay ng P100,000 ang LGU sa mga barangay nitong wala nang maire-report na bagong COVID-19 case mula September 1 hanggang October 31.

“Mag-aappropriate po tayo ng P89.6 million kasi ang goal natin, hopefully, kanya-kanya tayong magsisigasig para labanan ang COVID-19 pandemic,” ayon sa alkalde.

Paliwanag ng local chief executive, ang Manila Health Department ang magve-verify sa mga datos na makakalap.

Nanawagan naman ang DOH sa mga residente ng lungsod na maging tapat sa pag-uulat ng kanilang lagay nang hindi lumala ang pagkalat ng COVID-19.

“Nawa’y sa paraan na ito ay ma enganyo po ang ating mga kababayan na sumunod sa ating health protocols. Huwag po natin itago kung may kaso sa baranggay, dahil hindi po ito makakatulong sa kahit na sino. Suportahan po natin ang programa ng City of Manila dahil lahat po tayo ay may benepisyo dito.”

As of August 31, nasa 8,110 ang total ng confirmed COVID-19 cases sa Manila City. Mula rito 874 pa ang active o nagpapagaling. 6,911 ang recoveries, at 325 ang deaths.