-- Advertisements --

Pormal ng nagsampa ngayong araw, Marso 22 ng kasong paglabag sa Anti-hazing law at homicide sa Cebu City Prosecutor’s Office si Leny Baguio laban sa pitong suspek ng hazing na kumitil sa buhay ng kanyang anak na si Ronnel Baguio.

Ito’y matapos na rin na nakakuha ng mga witness ang pulisya at natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Nagpaabot ng pakikiramay si Cebu City Police Office Director Police Colonel Ireneo Dalogdog sa pamilya ng biktima at tiniyak na makakamit ang hustisya.

Sinabi pa nito na sana’y magsilbing aral ang nasabing insidente sa lahat ng miyembro ng fraternities at sororities nitong lungsod ng Cebu.

Dagdag pa ni Dalogdog na dahil sa mga insidente ng hazing, nagsagawa ng pledge of commitment signing noong nakaraang araw ang lahat ng mga lider at miyembro ng fraternity at sorority bilang suporta sa Anti-hazing law at nangako na hindi sila papayag na lumahok sa anumang anyo ng pananakit, pagpapahirap o samantalahin ang kahinaan ng kanilang kapwa.

Samantala, nagpasalamat naman si Leny Baguio sa mga taong tumulong sa kanya lalo na sa mga abogado ng Cebu City Police Office at Public Attorney’s Office. Sinabi din nito na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa kanyang anak.

Umaasa naman ang mga otoridad na pagkatapos ng pagsasampa ng mga kaso, ilalabas na ang order of prosecution at tutugon ang mga suspek sa kasong isinampa laban sa kanila.