CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ni Ginang Anna May Kamatoy, kamag-anak ng apat sa limang pasahero ng nawawalang Cessna 206 na nakapagtext pa ang isa niyang anak sa isa nitong kaibigan at sinabing bumalik sila sa Cauayan City bago nawala ang eroplano.
Si Ginang Kamatoy ay ina ng dalawang pasahero ng Cessna 206 at kamag-anak din niya ang dalawang iba pa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Kamatoy na hindi totoo na nakapagtext pa ang kanyang anak sa isa nitong kaibigan na bumalik sila sa lunsod ng Cauayan bago nawala ang eroplano.
Bagamat, inamin niya na nasabi niyang nakapagtext pa ang kanyang anak pero nang iberipika niya sa mga kaibigan nito ay wala naman umanong ganoon na nangyari.
Aniya, huling pakikipag-ugnayan ng mga ito ay nang nagsend sila ng video sa kanilang group chat na pasakay na sila ng eroplano.
Ayon pa kay Ginang Kamatoy, pumunta na siya sa mall para magtanong sa mga telecommunications companies kung pwedeng itrack ang cellphone ng kanyang anak na iphone pero wala ring nangyari.
Sa ngayon ay hindi na umano niya alam ang kanyang gagawin at tanging sandalan na lamang niya ay manalangin at umasa na makauwi sila ng buhay sa Cavite.
Nagpapasalamat naman siya sa lahat ng tumutulong para mahanap ang eroplano.
Samantala, inihayag ni Ginang Kamatoy na hanggang ngayon ay hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila ang may-ari ng nawawalang eroplano.