Iginiit ng isang opisyal mula sa Department of Agriculture (DA) na kailangan pa rin ang importasyon ng bigas kahit pa tiniyak ng pamahalaan na mayroong sapat na suplay sa bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla, ang karagdagang suplay na ito ay ilalaan para sa inventory stocks sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari at para mapaghandaan ang El Nino sakaling makaapekto ito sa produksiyon ng bigas sa tag-init.
Saad pa ng opisyal na ang lahat ng inaangkat na bigas ay isasagawa ng mga pribadong sektor at inaasahang darating bago ang anihan sa wet season.
Una ng nanawagan ang DA para sa pag-aangkat pa ng 500,000 metrikong tonelada ng bigas mula Nobiyembre 2023 hanggang Enero 2024 para matiyak ang suplay ng bigas sa gitna ng El Nino phenomenon.
Sinabi pa ng DA official na ang 200,000 ektarya ng sakahan ng palay ay posibleng hindi mapakinabangan dahil sa El Nino na magreresulta sa pagkawala ng produksiyon ng nasa 500,000 MT ng bigas.
Una ng sinabi ni PBBM na mayroong sapat na suplay ng bigas kahit pagkatapos ng El Nino phenomenon sa susunod na taon.
Sinabi din ni PBBM na ang sitwasyon ng bigas sa bansa ay manageable at matatag.