Umaasa ang Commission on Human Rights (CHR) na maging efficient at transparent ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), local government units (LGUs) at business sector sa implementasyon ng Republic Act No. 11861, the Expanded Solo Parents’ Welfare Act.
Pinuri ng kagawaran ang timely adoption ng Implementing Rules and Regulations (IRR) lalo pa’t mahigpit ang pangangailangan ng mga solo parents ngayong hindi stable ang ekonomiya ng bansa.
Binanggit ng ahensiya ang mga kapansin-pansing tampok ng bagong batas tulad ng pagsasama ng P1,000 buwanang cash subsidy para sa mga minimum wage earners at mas mababa.
Nakasaad din sa batas na prayoridad ng National Housing Authority (NHA) ang solo-parents sa mga low-cost housing projects kung saan nag-aalok ng mas mababang payment options.
Awtomatikong sasakupin din ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth ang solo parents.
Bukod pa riyan, isasama sa batas ang karagdagang parental leave, pagbibigay ng scholarship para sa solo parent, at prayoridad sa mga aplikasyon sa trabaho.