Inanunsyo ng Department of Finance na ang pagbalangkas ng mga implementing rules ng bagong lagda na Maharlika Investment Fund ay gagawin sa Setyembre ngayong taon.
Pormal na kasing nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ngayong araw ang R.A. No. 11954 o ang Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023, isang landmark na panukala na magtatatag ng unang sovereign investment fund ng bansa.
Ayon sa DOF, ang pagbalangkas ng MIF Act’s implementing rules and regulations (IRR) ay kasalukuyang isinasagawa at matatapos sa buwan ng Setyembre.
Sa ilalim ng batas, lilikha din ng isang Maharlika Investment Corp, na siyang magiging responsable sa pangkalahatang pamamahala ng pondo.
Ang Maharlika Investment Corporation (MIC) ay itatag upang magsilbing investment body na responsable para sa pangkalahatang pamamahala ng pondo at inaasahang magiging ganap na mag-ooperate sa pagtatapos ng 2024.
Binigyang diin ng nasabing departamento na ang unang sovereign investment fund ng bansa ay magpapabilis ng paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, magiging bukas din ito sa co-financing sa mga foreign investments at multilateral institution upang mapadali ang pagpopondo ng capital-intensive big-ticket infrastructure.
Alinsunod din ito sa mga layunin ng administrasyon na nakabalangkas sa Medium-Term Fiscal Framework Agenda at Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.
Una nang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM), na nakatuon sila sa pagsuporta sa MIF para matiyak ang tagumpay ng naturang pondo.