Isinasapinal na sa ngayon ng Pilipinas at Sweden ang Implementing Arrangement sa pagitan ng dalawang bansa para pagbili ng mga defense material at equipment.
Sa gitna ito ng layunin ng Sweden na makiisa sa implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng Horizon 3 ng Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program, partikular na sa acquisition project ng Philippine Air Force ng Multu-Role Fighter Aircraft.
Kaugnay nito ay kasalukuyan nang nagtutulungan ang mga kinatawan ng DND, DOF, at DFA sa Sweden sa pangunguna ni Swedish Ambassador to the Philippines, Her Excellency Annika Thunborg, para sa pagsasapinal ng naturang proyekto.
Ang naturang logistics cooperation na ito ng dalawang bansa ay bahagi ng pagtupad sa commitment ng Pilipinas at Sweden sa ilalim ng Memorandum of Understanding na may kaugnayan sa cooperation ng dalawang bansa sa pagbili ng mga defense material na nilagdaan naman noong Hunyo 3, 2023 at niratipikahan noong Setyembre 4, 2023.
Samantala, inaasahan namang magtatapos at malalagdaan ang Implementing Arrangement ng Procurement Defense Materiel and Equipment sa darating na Marso 2024 sa gaganaping inaugural Philippines-Sweden Joint Committee Meeting sa Sweden.