-- Advertisements --

Nilinaw ni Impeachment Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi obligadong dumalo ng pisikal si Vice President Sara Duterte sa kanyang paglilitis dahil kinakatawan na siya ng kanyang mga abogado.

Ayon kay Escudero, walang panuntunan sa impeachment court na nag-aatas sa respondent na umupo sa mga pagdinig kung ayaw niya.

Dahil mayroon na siyang mga abogado na humahawak sa kanyang depensa, nakasalalay na kay Duterte kung nais niyang humarap sa korte.

Kung nais ng panig ng prosekusyon na ipatawag si Duterte upang tumestigo, maaari umano silang maghain ng pormal na mosyon o kahilingan sa korte na pagdedesisyunan pa ng mga senador.

Ginawa ng Presiding Officer ang pahayag na ito kasunod ng tanong ni counsel for the prosecutor Atty. Lorna Kapunan, sa ikalawang araw ng impeachment trial ngayong Martes, kung dadalo ang Bise Presidente matapos itong mamataan sa pasilidad ng Senado.