Iginiit ng Malacañang na nasa hurisdiksyon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang pag-iimbestiga kay Public Information Agency (PIA) Director-General Harold Clavite kaugnay sa ulat na pagkakasangkot umano nito sa iregularidad.

Pahayag ito ng Malacañang sa harap ng pagkuwenstiyon ni Clavite sa ginagawang imbestigasyon sa kanya ng PCOO.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, tama lang at walang kakaiba sa inisyatibo ng Presidential Communications Office para siyasatin si Clavite na pinuno ng PIA na nasa ilalim ng PCOO.

Ayon kay Sec. Panelo, hangga’t hindi  iniaakyat ang reklamo sa Office of the Ombudsman, walang masama kung kumilos ang PCOO para silipin ang sumbong ng katiwaliang ibinabato sa pinuno ng PIA gaya na lamang ng splitting of ontracts, misuse of funds for hotel accommodation at umano’y iregularidad sa produksyon ng information materials.

Wala ding nakikitang dahilan si Sec. Panelo para gawin ng PCOO ang demolition job sa mga opisyal ng ahensyang nasa ilalim nito taliwas sa pahayag ni Clavite na bahagi ng paninira sa kanya ang alegasyon mula sa “anonymous letter.”