-- Advertisements --

Sinimulan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon sa umano’y naging pamemeke sa pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ilegal na paggamit ng government seal para sa isang appointment.

Sa isang pahayag ay sinabi ni CIDG Director, PBGen. Ronald O Lee na ipinag-utos na niya na magsagawa ng malalilamang imbestigasyon upang mahanap ang pinagmulan ng distribusyon at pagkalat ng pinekeng dokumento.

Nagbabala rin siya sa lahat ng mga mapapatunayang sangkot sa masamang gawain na ito na mahaharap ito sa mga kaukulang kaparusahan tulad ng paglabag sa Article 161 ng Revised Penal Code o ang pamemeke sa great seal ng gobyerno ng Pilipinas, at pirma o stamp ng Punong Ehekutibo ng bansa.

Tiniyak din ng CIDG na babantayan nila ang kasong ito hanggang sa matunon nila ang mga indibidwal na sa likod nito.

Matatandaan na una nang ipinag-utos ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na imbestigahan ito matapos na lumabas ang isang dokumento na nagsasabing may itinalga na siyang commissioner ng Bureau of Immigration (BI).