Sumampa na sa tatlong katao ang nasawi at ikinasugat ng ilang indibdiwal ang pagguho sa may Estero de Magdalena at Recto Avenue sa Maynila na nagresulta ng pagbagsak ng mga puno sa ilang kabahayan.
Bunsod nito, ipinag-utos na ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. sa Bureau of Fire Protection (BFP) na imbestigahan ang insidente at magbigay ng mga rekomendasyon para mapigilang maulit ang naturan insidente sa hinaharap.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang kalihim sa mga pamilyang naulila ng mga bitima ng naturang trahedya.
Una rito, isang malaking puno ang bumagsak sa mga kabahayan sa may Estero de Magdalena sa Recto Avenue nitong araw ng Huwebes ilang araw matapos ang malakas na mga pag-ulan.
Ayon naman sa pamahalaang lungsod ng Maynila, matagal ng panahong nag-aantay na ma-relocate ang mga residente sa lugar subalit ayon sa mga awtoridad naantala ang nasabing plano para ilipat mula sa danger zone ang mga residente dahil na rin sa pandemiya.
Sa ngayon, pansamantalang nanunuluyan ang walong apektadong pamilya sa ipinatayong modular tents sa tabi ng Recto Avenue habang naghahanap pa ang barangay officials ng malilipat ng mga apektadong residente sa mas ligtas na lugar.