-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Patuloy na tinututukan ng Philippine Coast Guard ang imbestigasyon sa nangyaring banggaan ng Filipino fishing boat at isang foreign commercial vessel sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Ayon kay PCG Alexander Corpuz, Station Commander ng Coast Guard Station Pangasinan, sa initial na imbestigasyon ay natukoy na nila ang bumangga na barko na Foreign Commercial Vessel na Pacific Anna, isang crude oil tanker vessel at nakarehistro sa ilalim ng flag ng Marshall Islands, ngunit sa ngayon ay hindi pa rin ito kumpermado dahil nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.

Hinala naman ng mga ito, may posibilidad na hindi nakita ng nasabing commercial vessel ang gamit ng mga mangingisda sa bansa dahil sa liit nito kung ikukumpara sa kanila.
Matatandan ang fishing boat ay may lulan na 14 na mga mangingisdang Pinoy at 11 dito ang nakaligtas habang 3 naman ang kompirmadong nasawi.

Samantala, nakauwi na ang mga nakaligtas na mangingisda sa kani-kanilang mga lugar sa tulong ng mga awtoridad ng Brgy. Cato sa bayan ng Infanta.

Binigyang diin naman ni Corpuz na masusi na nilang inaalam ang nasa likod ng pangyayari, intensyunal man ito o hindi.

Dagdag pa niya, kapag nakompirma kung sino ang nasa likod nito, ay ipagbibigay alam nila agad sa mga kinauukulan sa ibayong dagat upang doon na magsasagawa ng masusing pag-uusap sa pagitan ng dalawang panig.

Kaugnay nito, nangako naman si Corpuz sa mga pamilya ng nasabing mangingisda na tutulungan ang mga ito at ginagawa nila ang kanilang makakaya upang maihain ang nararapat na hustisya.

Paalala naman niya sa publiko, antayin munang lumabas ang pinal na resulta ng imbestigasyon at huwag basta-basta gumawa ng kwento.