Isang Welcome development para kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr sa DOJ at NBI na imbestigahan ang hoarding, smuggling at price fixing ng sibuyas at iba pang agricultural products sa bansa.
Sinabi ni Barzaga, ipinapakita lamang nito ang pagiging seryoso ng Chief executive sa pagprotekta sa kapakanan ng publiko lalo na ang mamimili at mga magsasaka.
Positibo rin ang pagtanggap ni Barzaga sa hakbang ng Pangulo dahil sa kinikilala nito ang naging papel ng House of Representatives sa paglalantad ng mga nasa likod ng pinakamalaking onion cartel.
Sa isang statement tinukoy ni PBBM na batay sa resulta ng imbestigasyon ng House Committee on Agriculture ay may matibay na ebidensyang magpapatunay na mayroon ngang onion cartel na nasa likod ng pagsipa ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon ng hanggang P700.
Ang mga ebidensyang ito naman ang gagamitin para makapagsimula na ng imbestigasyon sa naturang isyu.