Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara upang imbestigahan ang vaccination program at plano ng gobyerno laban sa pagkalat ng coronavirus disease pandemic sa bansa.
Hinihikayat ng mga mambabatas ang Defeat COVID-19 ad hoc committee ng House of Representatives na magsagawa ng imbestigayon ukol dito.
Nakasaad din sa nasabing resolusyon ang ilang isyu na bumabalot sa pagbili ng Pilipinas sa bakuna mula Pfizer.
Magugunita na hindi kaagad nai-submit ni Health Secretary Francisco Duque III ang Confidentiality Disclosure Agreement (CDA) para makakuha sana ng 10 doses ng bakuna ang bansa sa Enero 2021.
Ngunit kahit daw kaagad mabili ang bakuna, marami pa raw isyu ang dapat na resolbahin ng gobyerno, kasama na rito ang supply chain at cold storage capacity ng mga bakuna.
Bago pa raw kasi magkaroon ng COVID-19 sa bansa, ay matagal nang nahuhuli ang Department of Health (DOH) sa immunization programs kung saan 10.6% pa lamang ng populasyon ang nababakunahan.
Ang nasabing porsiyento ay base sa datos mula sa 2017 National Demographic and Health Survey, na siyang nagpapakita na nahihirapan ang health deaprtment sa pamimigay ng bakuna sa buong bansa.
Kasama rin daw sa mga isyu na dapat talakayin ay ang pagsasagawa ng libreng mass testing sa mga vulnerable individual at sectors sa buong Pilipinas. Gayundin ang epektibong contact tracing, isolation at pagpapagamot lalo na sa mga marginalized at mahihirap na Pilipino.
Dahil sa mga nasabing isyu ay naniniwala umano ang Makabayan bloc na kailangang imbestigahan ng Kamara ng mabuti ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno.