-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pagguho ng lupa sa Sitio Angelo, Brgy. Umiray, General Nakar, Quezon.

Maaalala, limang katao ang binawian ng buhay sa nangyaring insidente kung saan ang isa dito ay buntis pa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpt. Joey Padre, Acting Chief of Police ng General Nakar Municipal Police Station, sinabi nito na ang pinakang dahilan ng pagguho ng lupa ay dahil sa apat na araw na pagbuhos ng ulan.

Binigyan diin rin nito na wala namang direktang epekto ang nadiskubreng minahan malapit sa lugar sa naging pagguho ng lupa dahil malayo naman na ito ngunit iimbestigahan pa rin umano nila ang nasabing isyu.

Aniya, hindi inaasahan ng mga residente ang pangyayari at nagulat na lamang ang mga ito ng makitang gumuho na ang lupa at natabunan na ang bahay ng mga biktima dahil wala naman aniyang nakitang indikasyon ang mga ito na posibleng magkaroon ng landslide sa lugar.

Ipinagpapasalamat na lamang umano ni Padre na wala ng ibang nadamay pa sa pangyayari dahil sa kabila ng pagiging residential area nito ay magkakalayo naman ang bahay ng mga residente.

Samantala, matapos naman ang isinagawang search and retrieval operation ng mga awtoridad nakuha na at naiuwi na ang labi ng limang biktima na nasawi dahil sa pangyayari.

Nakikipag-ugnayan na rin naman umano ang mga ito sa mga local government unit at ahensya ng pamahalaan upang maiproseso na ang mga hakbang na dapat gawin sa mga biktima.

Kaugnay nito ay nakatanggap naman ng P35,000 na halaga ng cash assistance ang mga naulilang pamilya ng mga biktima.

Sa ngayon, magpapatuloy pa umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa pangyayari lalo na at napag-alaman na wala palang permit ang minahan sa nasabing lugar.