Siniguro ng Department of Justice (DoJ) na agad nilang ilalabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ng siyam na indibidwal sa serye ng operasyon sa Calabarzon.
Ang naturang mga indibidwal ay subject ng warrant of arrests sa Rizal, Laguna at Cavite.
Sinabi ni DoJ Usec. Adrian Sugay posilbleng ngayong linggo raw ilalabas ang inisyal na resulta ng kanilang isinagawang independent na imbestigasyon.
Kailangan din umano munang tignan ng inter-agency committee kung pasok ito sa AO 35 mechanism, o ang grupong naatasang mag-imbestiga sa sinasabing extra judicial killing sa bansa.
Paliwanag ni Sugay, mayroon daw kailangang ikonsidera ang special investigation teams at masusing iimbestigahan kung ito ay EJK na kinasasangkutan ng mga indibidwal mula sa cause-oriented groups.
Aminado naman si Sugay na kadalasan daw na nagiging problema sa AO 35 ay ang kawalan ng testigo kaya hindi natutuloy ang imbestigasyon.
Una rito, nanindigan ang PNP na lehitimo ang kanilang operasyon para tugisin ang mga namatay na indibidwal.