Inaasahang masisimulan na ng binuong 5-man advisory group ng pamahalaan ang kanilang imbestigasyon sa lahat ng mga 3rd level officers ng Philippine National Police na tumugon sa panawagan ni Department of the Interior and Local Goverment Secretary Benjamin Abalos Jr. para sa mas maigting na internal cleansing sa buong hanay ng pulisya.
Ayon kay Philippine National Police Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr, kasalukuyan na nilang finafinalize ang mga house rules para sa kanilang magiging pagsusuri sa mga courtesy resignation ng mga heneral at koronel ng pambansang pulisya.
Ngunit kabilang aniya sa kanilang mga naisapinal na sa ngayon ay ang paggamit ng substantial evidence sa proseso ng kanilang imbestigasyon na magpapakita aniya ng command responsibility, accountability, at kung paano naging isang commander o immediate supervisor ang isang police official.
Pagkatapos aniya ng kanilang pagsusuri sasailalim naman din ito sa imbestigasyon ng National Police Commission bago ipasa kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang pinal na listahan ng mga police officials na tatanggapin ang courtesy resignation..
Kung maaalala, una nang inihayag ng itinalagang tagapagsalita ng 5-man advisory na si PNP-PIO Chief PCol. Redrico Maranan na baka maaaring kailanganin ng naturang komite ang tulong mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan dahil, target nito na alamin din ang kaugnayan ng naturang mga police officials pagdating sa operasyon ng ilegal na droga maliban sa pagtingin sa mga documentary review at assessment.