-- Advertisements --

ILOILO CITY – Itinuturing ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Guimaras na isang malaking pang-iinsulto ang hindi pagsipot ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority sa legislative inquiry ng probinsya kaugnay sa Iloilo Strait tragedy.

Ito sana ang magiging daan upang mapakinggan ang panig ng dalawang ahensya sa nangyaring trahedya sa Iloilo Strait noong Agosto 3 kung saan 31 katao ang namatay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimaras Vice Governor Atty. John Edward Gando, sinabi nito na masama ang kanyang loob matapos na “no show” ang PCG at Maritime Industry Authority.

Ayon kay Gando, sana sinunod ng PCG at Maritime Industry Authority ang inter agency courtesy sa pagitan nila at ng local government unit (LGU) ng Guimaras.

Aniya, tuwing may hihilingin ang Philippine Coast Guard sa Guimaras Provincial Government, ni minsan ay hindi nila ito tinanggihan.

Wala namang plano ang LGU ng Guimaras na magkaroon pa ng pangalawang legislative inquiry.