ILOILO CITY – Nagpadala na ng sulat si Iloilo City Mayor Jerry Treñas kay Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones upang hilinging ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa lungsod ng Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Treñas, sinabi nitong nakasaad sa appeal letter na mas makakabuti na sa susunod na lang na taon buksan ang klase dahil sa ilang mga dahilan.
Una na rito ay dahil wala pang lunas laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at hindi rin madaling kontrolin ang galaw ng mga kabataan.
Bilang alkalde ay ikinababahala niya na posibleng dumami pa ang kaso ng COVID-19 sa lungsod sa oras na magbukas ulit ang klase sa mga eskuwelahan.
Samantala, kinumpirma naman ni Sec. Briones na natanggap na niya ang appeal letter ni Treñas at kanya pa itong pag-aaralan.
Ayon sa kalihim, agad niyang ipapaalam sa alkalde ang kanyang magiging desisyon.