ILOILO CITY – Isinailalim na sa blue alert ang lungsod ng Iloilo dahil sa banta ng bagyong Tisoy na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa mga susunod na araw.

Batay sa inilabas na Executive Order 148 ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, nakasaad na simula kahapon, Nobyembre 29, ay nasa ilalim na ng blue alert status ang lungsod.

Ibig sabihin, inalerto na ng lokal na pamahalaan ang Emergency Operation Center nito bilang paghahanda sa bagyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Drawin Papa, operations officer ng City Disaster Risk Reduction Management Office, na naka-stand by na ang mga rescue personnel, gayundin ang Operation Center upang makapagbigay ng abiso at tulong kung kinakailangan.

Sa ngayon ayon kay Papa, patuloy ang monitoring sa mga coastal areas at mga lugar na binabaha.

Kahit hindi tatama sa Western Visayas ang sentro ng bagyo, mainam pa rin umano na nakapaghanda ang lungsod sa posibleng epekto ng malakas na bagyo.