-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinuwestyon ni dating Health Secretary at ngayon Iloilo 1st District Rep. Dr. Janette Garin ang pagmungkahi ng Department of Health kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na palawigin pa ang state of calamity sa Pilipinas dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Garin, sinabi nito na posible na layunin ng ahensya na mapanatili ang exemption sa Government Procurement Law at mapabilis ang paghingi ng allowances at bonuses para sa health workers.

Ayon kay Garin, mahalaga pa rin na sundin ang Procurement Law upang maprotektahan ang pera ng publiko.

Sa isyu naman ng benepisyo para sa health workers, marami anya ang mga probisyon kagaya ng magna carta for health workers at iba pang paraan upang mabigyan ng dagdag na bonus at allowance.

Naniniwala naman ang mambabatas na hindi na dapat maging prayoridad ang pagpapalawig ng state of calamity sa bansa dahil nabakunahan na rin anya ang halos lahat ng populasyon at nakamit na ang herd immunity.