Tiniyak ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na tuloy-tuloy ang kanilang paghabol sa mga illegal traders at smugglers.
Kasunod na rin ito ng pagsasampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DoJ) ng reklamo na kinabibilangan ng tax evasion at unlawful possession laban sa hinihinalang illegal vape traders.
Kabilang sa mga respondents sa kaso ay sina Wei Fong Bao na mas kilala sa pangalang Sofi Chua, Christina Poa, Sandoval Severino Briones, Jimy Go at Bibiano Lesaca.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na nag-ugat ang naturang reklamo sa isinagawang raid ng Bureau of Internal Revenue sa Tondo, Manila ngayong buwan.
Base raw sa total na assessment na kinabibilangan ng penalties at charges ay umaabot ng P1.2 billion ang halaga ng paglabag ng mga sinampahan ng reklamo.
Siniguro naman ni Lumagui na kanilang hahabulin ang lahat ng mga illegal traders at big-time smugglers.
Hinimok din nito ang lahat ng mga negosyante ng vape products at cigarettes na magparehistro.
Sakaling maikonsidera itong iligal ay magiging subject ito sa confiscation at puwede pa raw makulong ang mga negosyante.
Kaya naman kailangan daw na siguraduhin ng mga negosyanteng nakarehistro sila at magbayad ng tamang buwis.