-- Advertisements --
viber image 2023 11 18 15 38 49 859

Arestado ang isang indibidwal na pinaniniwalaang may illegal gun runner sa Makati City.

Ito ay kasunod ng ikinasang pinagsanib-puwersang operasyon ng Anti-Terrorism Section-Regional Intelligence Division, Regional Special Operations Group, National Capital Region Police Office, Criminal Investigation and Detection Group Angeles City Field Unit, at Makati City Police Station.

Sa ulat na nakarating kay NCRPO Regional Director, PMGEN Jose Melencio Nartatez Jr., noong Nobyembre 16, 2023 ay nagsagawa ng intelligence-driven operation ang mga otoridad sa isang gasoline station, sa J.P. Rizal corner Calasanz St., Brgy. Olympia, Makati City na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na kinilalang si Juanito Tanghal y Fajardo, 56 taong gulang.

Ayon sa mga otoridad, arestado si Tanghal nang maaktuhang may dala-dalang 13 mga matataas na kalibre ng mga armas at pampasabog na kinabibilangan ng assault rifle, grenade launcher, submachine gun, at iba pa.

Pero palusot ni Tanghal, napakisuyuan lamang daw siya at hindi niya raw alam na mga armas ang kanyang mga dala-dala.

Matatandaang, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagdadala ng mga armas sa labas ng tahanan nang walang license to own and possess firearms.

Sa ngayon ay nasa ilalim na ng kustodiya ng naturang mga operating units ang suspek habang inihahanda ng kapulisan ang mga reklamong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions, gayundin ang paglabag sa Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code.