Isinusulong ng Alcoholic Beverages Alliance of the Philippines ang responsableng pagbebenta ng mga alak online.
Ito ay sa likod ng umanoy tumataas na bilang ng mga ilegal na bentahan ng alak sa ilalim ng mga online platform.
Kasabay nito ay nangako ang labing-apat na malalaking alcoholic beverage distributors sa bansa, kasama ang isang malaking e-commerce platform, na labanan ang nasabing ilegal na bentahan.
Maliban kasi sa nagiging negatibong imahe na idinudulot ng illegal alcohol trade, naapektuhan din nito ang revenue collection ng bansa.
Samantala, lumalabas na ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa ASEAN na may pinakamababang revenue collection sa alak, dahil na rin sa illegal alcohol trade, kasama na ang kawalan ng akmang record ng mga alak na nabibili.
Batay sa datus ng grupong ‘Tracking Illicit Trade in ASEAN, lumalabas na nawalan ang Pilipinas ng $438Million nitong mga nakalipas na taon. Pangalawa ito sa Vietnam na may $441Million na lugi.
Batay naman sa datus ng World Health Organization Global Health Obsevatory noong 2022, 31% ng mga alak na kinukunsumo sa Pilipinas ay walang kaukulang record o ilegal. Ang nasabing porsyento ay mas mataas kumpara sa iba pang mga bansa na may mga kaso ng unreported alcohol consumption, katulad ng Brunei, Thailand, China, at iba.