-- Advertisements --

Nagkasa ngayon ng kilos-protesta ang ilang grupo ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan bilang pagtuligsa sa hindi natinag na itinakdang deadline ng pamahlaan para sa consolidation ng public utility vehicle sa Disyembre 31, 2023.

Sa Welcome Rotonda sa bahagi ng Quezon City magkasanib-puwersang nagtipon-tipon ang mga miyembro ng grupong PISTON at MANIBELA atsaka nagmartsa patungong Mendiola district sa Maynila upang magpahayag ng pagkadismaya sa naturang programa ng gobyerno.

Ang kilusan na ito ng dalawang transport group ay sa kabila ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pahintulutan ang mga PUV operators na makabiyahe at baybayin pa rin ang ilang mga piling kalsada hanggang sa grace period na inilaan nito sa Enero 31, 2024 kahit na hindi pa nakakapagpa-consolidate o sumite ang mga ito ngkanilang aplikasyon.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda na ang panibagong timeline na ito ay panibago nanamang istratehiya ng gobyerno sa pagsusulong ng kanilang PUV modernization program.

Naniniwala si Floranda na ito ay bahagi lamang aniya ng pamamaran ng LTFRB para mapadalhan ng summon ang mga operator at pagpaliwanagin ang mga ito kung bakit hindi pa sila nakakapag-comply sa modernization program ng pamahalaan.

Kung maaalala, nitong Disyembre 29, 2023 dapat sana ang pagtatapos ng ikinasang transport strike ng naturang grupo ng mag tsuper at operator ngunit nang dahil sa panibagong anunsyong itong gobyerno ay nagbabala ang mga ito na handa silang palawigin pa ang kanilang mga pagkikilos-protesta ng mas mahabang panahon.