Hinimay ng ilang mga Senador ang isyu sa paggamit ng nuclear power plant sa Pilipinas.
Iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na kailangan munang maging awtorisado sa pamamagitan ng batas ang paggamit ng elektrisidad mula sa nuclear power plant sa Pilipinas.
Ginawa ni Senator Pimentel ang naturang pahayag kaugnay na rin ng plano ng Marcos administration at ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na posibleng kasunduan sa South korea, france at Amerika para sa pagtatayo ng nuclear power plants sa bansa.
Saad pa ng dati ding Senate President na kailangan ding bumuo ng isang regulatory board na siyang maga-apruba sa proyekto bago pa man simulan ang pagtatayo ng kahit parisukat na pulgada ng nuclear power plant.
Ipinunto din nito na dapat magkaroon ng batas kung paano mapapangasiwaan ng maayos ang nuclear waste.
Sa madaling salita aniya ang desisyon sa pag-adopt ng nuclear power generation ay hindi lamang nakasalalay sa desisyon ng punong ehekutibo kundi dapat na makialam din ang Kongreso sa pagbalangkas ng polisiya para dito.
Sinabi din nito na ang Bataan Nuclear Power plant ay tila malabo na para sa rehabilitasyon.
Subalit sinabi naman ni Senator Robin Padilla na 100 porsyento itong pabor para sa rehabilitasyon ng naturang planta.
Kumambiyo naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa naturang isyu at sinabing may mga reservations din ito sa naturang panukala.
Saad ng Senador na ang nuclear power plant ay naglalaman ng radioactive material na lubhang mapanganib para sa mga tao gayundin sa kapaligiran. Kailangan aniya na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat ng potensyal na sites para sa pagtatayo ng power plant at waste storage at kung ito ba ay episyenteng magagamit sa archipelagic country gaya ng Pilipinas.
Inihayag pa ng Senador na gugugol din aniya ang naturang investment ng bilyong halaga.