Ilang provincial government na raw ang inihahanda ang kanilang sariling pondo para sa pagbili ng mga ito ng sarili nilang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines.
Ayon kay League of Provinces of the Philippines (LPP) President Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., ilang mga gobernador daw ay may kakayanan namang bumili ay mayroon na silang pondo.
Pero pinaalalahanan naman ni Velasco ang mga provincial governments na makipag-ugnayan ang mga ito sa national government sa pagbili ng mga bakuna.
Maging ang mga cities at municipalities, maliban sa mga highly urbanized cities ay dapat makipag-ugnayan sa kanilang mga provincial governments kung bibili ang mga ito ng bakuna para maiwasan ang kalituhan.
Sinabi rin ng gobernador na kailangang hintayin ng local governments ang approval ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga bakuna bago sila magmadaling makipag-ugnayan sa mga kumpayang nagbebenta ng covid vaccine.
Ipinunto ni Velasco ang paalala ng Commission on Audit (COA) na ang Pangulo lamang ng bansa ang puwedeng mag-apruba sa pagbili ng mga bakuna.
Base rin sa Section 88 ng Presidential Decree 1445, nakasaad ditong bawal ang advance payments sa mga kontrata ng gobyerno maliban na lamang kung may ilang kondisyon gaya na lamang ng mga aaprubahan mismo ng pangulo.