BUTUAN CITY – Karamihan umano sa mga Pinoy sa Italy ay gusto na ring umuwi lalo na ang walang mga trabaho at walang naisantabi na pang-emergency fund.
Ang mga ito ay nagpapasaklolo na ring makabalik ng Pilkpinas dahil sarado na ang mga airports bunsod nang ipinapatupad na lockdown.
Iniulat ni Bombo international correspondent Roel Gasga mula sa Italy, may ilang mga Pinoy ding kasama sa mahigit 10,000 nasawi dahil sa coronavirus disease (COVID-19) at mayroon ding mga nagpositibo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Gasga na kasama sa mga Pinoy na namatay ay ang dalawa niyang kakilala kung saan karamihan sa mga namatay ay mga pensiyonado na o mga senior citizens na may komplikasyon sa katawan.
Ayon pa kay Gasga kagaya sa Pilipinas, ang mga may quarantine pass lamang ang pwedeng makalabas ng bahay para pumunta sa tindahan at botika.