Ilang mga paaralan ang handang sumalo sa mga estudyante ng Colegio De San Lorenzo sa gitna ng napipintong pagsasara nito dahil sa pagkalugi dulot ng pandemya na pinalala pa ng mababang enrollment turnout sa nakalipas na mga taon.
Ipinahayag ito mismo ng Board of Trustees ng nasabing paaralan sa isang statement kung saan sinabi nito na nasa 13 mga paaralan ang nagpahayag nga ng kagustuhan na kupkupin ang kanilang mga mag-aaral na naiwan sa ere nang dahil sa biglaang pagsasara nito.
Paliwanag ng kolehiyo, sinubakan naman daw nilang pag-usapan ang iba’t-ibang mga maaaring solusyon upang maiwasan ang pagsasara ng paaralan at kabilang na dito ay yung pagpapatuloy ng klase para sa mga graduating students kahit na sa pamamagitan ng online classes na lamang pero hindi anila talaga ito kakayanin ng paaralan dahil sa kasalukuyang kalagayan nito.
Kaya sa ngayon ay mahigpit na nakikipag-ugnayan na lamang sila sa mga paaralan na handang sumalo dito sa mga estudyante. Sa katunayan, may mga booth na dito ng iba’t-ibang paaralan kung saan maaaring mag inquire ang mga college students hinggil sa possible enrollment sa oras na ma-claim na nila ang kanilang full refund at transfer credentials mula August 16 hanggang September 19, 2022.
Ito ay ang mga sumusunod:
- – College of St. Catherine Quezon City
- – AMA University
- – Samson College of Science and Technology
- – St. Joseph College Quezon City
- – St. Bernadette of Lourdes College
- – De La Salle Araneta University
- – Trinity College of Asia
- – Sienna College
- – OLFU Valenzuela
- – Manuel L. Quezon University
- – World Citi Colleges STI-Muñoz
- – UST Angelicum College
- – Philippine College of Criminology
- – Thames International School, Inc.
Habang nakikipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng paaralan na ito sa QC LGU na nagpahayag din ng kahandaan na tumulong na mapadali ang pagtransfer ng ilang mag aaral at gayundin sa mga empleyado nito sa pamamagitan ng Quezon City Public Employment Service Office (PESO).
Samantala, ayon naman kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nasa 717 na mga estudyante mula nursery hanggang grade 12, 652 na mga college students, at 172 na mga graduating students ang naapektuhan ng pagsasara ng paaralan na ito.