-- Advertisements --

Naranasan ang ilang oras na power outage sa ilang bahagi ng sikat na tourist town na Puerto Galera nitong Black Saturday, kahit patuloy ang pagdating ng libo-libong turista para sa Holy Week activities.

Ang pagkawala ng kuryente ay sanhi ng problema sa Minolo substation, na agad namang naayos upang mabawasan ang epekto nito sa operasyon ng turismo.

Sa kabila ng abala, pati na rin ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pamasahe, tuloy-tuloy pa rin ang pagdating ng mga bisita lalo na ang mga dayuhansa Sabang Beach, na kilala sa diving at iba pang water sports.

Dinagsa rin ang Puerto Galera para sa mga tradisyunal na gawain ngayong Semana Santa, kabilang ang Senakulo kung saan isinasadula ng mga residente ang buhay, paghihirap, at sakripisyo ni Hesus bilang bahagi ng paggunita ng Good Friday.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, nanatiling balanse ang bilang ng mga turista noong Black Saturday, kung saan mahigit 2,000 ang dumating habang nasa 1,700 naman ang umalis.

Sa kabila ng pagtaas ng gastusin, ilang water sports operators ang nagpatupad ng bahagyang dagdag-presyo, ngunit nanatili pa rin ang karamihan sa kanilang dating rates.

Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan na may umiiral na ordinansa laban sa scalping o ilegal na pagbebenta ng ferry tickets papunta at mula sa Puerto Galera.