Umabot na sa kabuuang 7,137 indibidwal ang naasistehan ng Philippine Red Cross sa gitna ng patuloy na pag-obserba ng Holy Week ngayong taon.
Sa pinakahuling datos kaninang alas-9:00 ng umaga ngayong Sabado de Gloria, Abril 4, iniulat ng PRC na nasa kabuuang 6,514 indibidwal ang sinuri ang kanilang vital signs, habang nirespondehan naman ang 583 minor cases at 26 na major cases.
Mayroon ding 14 na pasyente ang dinala sa mga pagamutan.
Sa ulat ng PRC nitong Biyernes, mayroong mga pasyenteng isinugod sa ospital dahil sa seryosong mga insidente gaya ng pagkahulog at nawalan ng malay.
Sa major cases naman, iniulat ng PRC na may mga indibidwal na nagkaroon ng fracture at nakagat ng dikya.
Naghatid din ng kritikal na suporta ang Welfare Desks ng PRC sa 105 indibidwal, kung saan 52 ang binigyan ng psychological support.















