LEGAZPI CITY – Nauwi sa sakitan ang unang pagkakainitan lang ng ilang lokal na opisyal habang nasa isang information caravan sa Irosin, Sorsogon.
Sa video na ipinost ng Irosin-local government unit (LGU), makikita na kalmado pa ang sitwasyon sa una at maayos ang palitan ng kuro-kuro ng mga opisyal hinggil sa pagpapaigting ng ipinapatupad na health protocols ng Department of Health at local Inter-Agency Task Force laban sa Coronavirus Disease.
Mula sa paunti-unting tensyon ay nagsagutan ang dalawang panig dahil sa mga paglabag umano sa protocols ng ilang residente na kailangang mabigyan ng pansin.
Maya-maya pa, isang municipal councilor ang nagsalita sa mikropono na tinawag na “unethical” ang isa sa mga opisyal ng task force. Dito na lumapit ang isang nagsisisigaw at nanduduro pang lalaki na kalauna’y nakilalang si Provincial Board Member Ed Atutubo.
Inawat ang mga ito ng iba pang opisyal kabilang na ang ilang bokal, alkalde at bise alkalde sa lugar.
Akmang palabas na, nakita rin sa video ang pagsuntok ni Atutubo sa nakilalang municipal administrator ng Irosin.
Depensa ni Atutubo sa Bombo Radyo Legazpi, humingi na ito ng paumanhin subalit pinalaki lamang ang gulo nang aksidenteng mabuhusan ng bottled water ang isang municipal councilor.
Nauna rin aniya siyang sinuntok ng municipal admin kaya’t gumanti lang subalit hindi umano ipinakita sa video na inilabas ng LGU.
Samantala, bukas namang harapin ni Atutubo ang mga alegasyon sa kaniya subalit panawagan ang due process habang hinihintay pa ang magiging sagot ng kabilang panig.
















