-- Advertisements --

Nananawagan si Balanga Bishop Ruperto C. Santos, vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People, sa lahat ng Pilipino na nasa Myanmar na manatiling kalmado at maingat.

Kasunod ito ng nangyayaring coup d’etat sa nasabing bansa sa pangunguna ng mga militar.

Ayon kay Fr. Santos, kailangang isaalang-alang ng mga Pinoy ang kanilang pansariling kaligtasan at hangga’t maaari ay umiwas sa mga lugar o grupo na posibleng maging dahilan ng kapahamakan sa kanila.

Nagpaalala rin ang prelate sa mga Pilipino na sa oras ng karahasan at trahedya ay pinakamalakas na sandara ang panalangin para sa kapayapaan at pagkaka-isa.

Magugunita na inangkin ng mga militar ang democratic government ng Myanmar na pinamumunuan ni Aung San Suu Kyi dahil sa paniniwala ng mga ito na may dayaang naganap noong November 8 election.

Ilan din sa matataas na lider ng Myanmar at kapartido ni Suu Kyi ang kinulong din ng mga militar.

Batay sa datos na hawak ng Department of Foreign Affairs, mayroong 1,300 Pilipino ang nasa Myanmar.