Nagbabala ngayon ang mga opisyal ng pamahalaan sa California sa posibleng paglala pa ng malawakang sunog sa ligar dahil sa “extreme” wind conditions doon sa ngayon.
Kasabay nito ay kanila ring inatasan ang mga residente ng naturang estado na lumikas sa mas ligtas na lugar.
Nabatid na aabot sa 50,000 residente ng Sonoma county sa hilagang bahagi ng San Francisco matapos na kumalat ang Kincade Fire sa 10,300 ektarya magmula nang sumiklab ang sunog noong Miyerkules (araw sa Pilipinas).
Tinatayang nasa 23,500 na mga imprastraktura ang posibleng maapektuhan ng sunog, dahilan kung bakit maging ang mga residente sa maliit na komunidad sa Geyserville at mga kalapit na vineyard operations ay inabisuhan na ring lumikas.
Batay sa mga pagtaya, inaasahang lalo pang lalakas ang hangin ngayong araw, na posibleng magpalala pa ng kasalukuyang sitwasyon ng sunog.
Kaya naman ang pinakamalaking utility sa California na Pacific Gas & Electric Co. ay nag-abiso na pansamantala muna nilang ihihinto ang pagsu-supply ng kuryente sa nasa 940,000 customers bilang bahagi ng kanilang precautionary shutdown.
Pero ayon sa local media, nasa 2 million ang maapektuhan ng naka-ambang hakbang ng PG&E.
“The weather event could be the most powerful in California in decades,” PG&E.
“PG&E will need to turn off power for safety several hours before the potentially damaging winds arrive,” dagdag pa nito.
Halos 2,000 bumbero na ang nagtutulungan maapula lamang ang Kincade Fire, subalit sa ngayon 10 percent pa lamang ng lawak ng sunog ang kanilang na-contain, ayon sa California Department of Forestry and Protection. (Agence France-Presse)