LEGAZPI CITY – Hindi pa rin uuwi o babalik sa kani-kanilang mga bahay ang ilang mga evacuees sa bayan ng Sto. Domingo, Albay.
Ito’y kahit pa may ipainalabas nang “decampment order” si Mayor Jun Aguas sa mga evacuees na naninirahan sa labas ng 6Km permanent danger zone.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Marlyn Balunso, isa sa mga evacuees sa Brgy. Calayucay, Sto. Domingo na nakatira sa 7km extended danger zone, sinabing hindi sila babalik sa kanilang bahay sa kabila ng ipinalabas na abiso ng LGU.
Mas kampante umano sila tuwing gabi at ma snakakatulog ng mahimbing sa evacuation center dahil hindi iniisip ang banta ng mga aktibidad ng bulkan.
Pag-amin pa ni Balunso, boluntaryo siloang lumikas ng buong pamilya at ilang mga kamag-anak simula ng mag-alburuto ang bulkang Mayon, dahil sa takot dala ng 2018 eruption.
Aniya, noong 2018 biglaan ang naging pagputok ng bulkan, kung saan talagang malaking hirap para sa kanya dahil bagong panganak pa lamang.
Pagbibigay-diin nito, para sa seguridad ng kanyang mga anak lalo pa’t hindi sigurado kung kailan puputok ang bulkan mas pipiliin umano nilang manatili sa mga ginawa nilang kubo o temporary shelters sa evacuation centers.
Samantala, sinabi ni Balunso na maliban sa pinapamigay na mga food packs ng lokal na pamahalaan, nagdidiskarte rin aniya ang mga evacuees upang wag magdepende sa rasyun, kung saan dahil malapit sa dagat ang lugar marami aniya ang namimingwit o naghuhuli ng isda.