-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinaalalahanan pa rin ngayon ang mga residente sa Davao de Oro at iba pang lugar sa Davao region na manatiling alerto lalo na at nakakaranas pa rin ngayon ng mga pag-ulan dulot ng Low Pressure Area (LPA).

Sa kasalukuyan, apektado pa rin ang mga residente sa Purok 8, Brgy. Malinawon sakop ng Mawab Davao de Oro matapos nga na gumuho ang Malinawon Bridge dahil sa nararanasan na mga pagbaha.

Ang nasabing tulay ay nagkokonekta sa isang Banana plantation papunta sa barangay proper.

Samantalang maliban sa Brgy. Malinawon, nasira rin ang isang hanging bridge sa Galinan river sa Brgy. Nueva Visayas kaninang umaga dahil pa rin sa malakas na pag-ulan.

Maliban sa pagkasira sa tulay may ilang mga kalsada rin sa Nabunturan Davao de Oro ang una ng natabunan ng lupa dahil sa landslide.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) nasa 600 pa rin na mga pamilya ang nasa evacuation center sa kasalukuyan matapos lubog pa rin ang kanilang bahay sa tubig baha.

Samantala nagpapatuloy naman ngayon ang ginagawang Search and rescue operation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Monkayo matapos na may dalawang mga indibidwal ang nalunod at ideklarang missing.

Nabigyan na rin ngayon ng relief assistance ang mga apektadong residente sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Davao de Oro at Philippine red cross.

Nanawagan naman ang mga PDRRMO sa mga residente na huwag ng hintayin na tumaas ang tubig baha bagkus ay agad na lumikas para hindi malagay sa delikado ang kanilang sitwasyon.