-- Advertisements --

Kinumpirma ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na kabilang sa mga programang isinailalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa “conditional implementation” ay ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program ng DSWD.

Maging ang  Basic Infrastructure Program ng DPWH, Support to Foreign-Assisted Projects, at pagbabayad ng retirement benefits at pensions at release ng bayad ng retirement benefits at pensions ng Office of the Ombudsman.

Kasama rin sa mga isinailalim sa “conditional implementation” ang Maintenance and Other Operating Expenses ng mabababang korte ng Hudikatura at Korte Suprema, paggamit ng sobrang kita mula sa Total Annual Tariff Revenue ng Rice Importation, Calamity Fund ng National Disaster Risk Reduction Management Program ng NDRRMC.

Kasama rin ang Rewards and Incentives Fund ng Bureau of Customs, at Availability of Appropriations and Cash Allocations ng Kongreso.

Sinabi ni Pangandaman, kailangan munang maglabas ng guidelines ang mga ahensya gaya DSWD, DOLE at NEDa bago mai-release o maibigay sa kanila ang pondo.

Ito ay para matiyak aniya ang maayos na pagpapatupad ng mga programa at tamang distribusyon ng pera, lalo sa mga programang may kinalaman sa pamamahagi ng tulong pinansyal.

Binigyan na rin ng go signal ng pangulo ang ilang probisyon tulad ng pagsasaayos ng Organizational Structure ng Kongreso at ng kani-kanilang Electoral Tribunals at Commission on Appointments, Special Road Fund ng DPWH, at Health Facilities Enhancement Program ng DOH.