-- Advertisements --

Pinuna ng ilang mga farm manager ang executive order na unang inilabas ng Administrasyong Marcos na nagpapalawig pa sa mas mababang taripa na ipinapataw sa imported na karne ng baboy, imported na mais, at bigas.

Ayon kay United Broiler Raisers Association President Elias Jose Inciong, ang extension sa naturang order ay nangangahulugan na hindi ito naging matagumpay.

Ito na kasi ang ikatlong pagkakataon na nagkaroon ng kahalintulad na scenario o extension ng raiff cut.

Katwiran ni Inciong, ang pangunahing layunin ng pagpapababa sa taripa ng mga imported na produkto ay upang mapababa rin ang presyuhan, lalo na sa merkado.

Malinaw aniya na hindi ito naging epektibo kayat nagreresulta lamang ng ilang beses na extension.

Inihalimbawa pa ni Inciong ang kasalukuyang presyuhan ng karne ng baboy sa mga merkado. Ang presyo ng liempo ay nasa P360 kada kilo habang ang presyo ng kasim ay nasa P320 kada kilo.

Ang naturang presyo aniya ay ang dati nang presyo sa merkado, sa nakalipas na tatlong magkakasunod na taon.

Sa kabila nito ay naging positibo ang pagtanggap ng iba’t-ibang grupo sa naturang hakbang, kabilang na ang mga grupo ng international importers.

UNa na ring ikinatwiran ng National Economic Development Authority(NEDA) na ang extension sa mas mababang taripa na kinukulekta sa mga imported na karne, mais, at bigas, ay isa sa mga hakbang upang magkaroon ng supisyente at abot-kayang pagkain sa lahat ng Pilipino sa mga susunod na taon.