DAGUPAN CITY — “Mas malakas pa sa inaasahan.”
Ito ang ibinahagi ni Bombo International News Correpondent Miles Briones Beltran sa naging panayam sa kanya ng Bombo radyo Dagupan hinggil sa pananalasa ni Typhoon “MAWAR” sa southern Japan.
Aniya na marami na ang mga nasira na mga kalsada na nagdulot naman ng pagka-stranded ng mga sasakyan at mga biyahero an sumasakay sa mga tren at bus.
Kinansela na rin aniya ang ilang mga flight schedules ng 260 na airlines at gayon na rin sa mga local trains dahil sa napakalakas na ulan at hangin na dala ng naturang bagyo.
Saad pa niya na nakakaranas na rin ang ilang lugar ng mga pagbaha bunsod ng malakas na ulan na hatid ni MAWAR, at bagamat wala pang inanunsyong mga pagkansela ng pasok sa paaralan at mga trabaho ay nagkaroon at nag-anunsyo na rin ang mga kinauukulan ng pagpapaliban sa iba’t ibang mga aktibidad sa palakasan gaya na lamang ng baseball dahil basa at madulas ang mga field na kanilang paglalaruan.
Una rito ay kaagad namang nagsagawa ng evacuation sa mga apektadong residente sa Wakayama kung saan ay nakaranas ng pagtaas ng tubig baha bunsod ng pagapaw ng tubig sa mga ilog na naglubog naman sa ilang mga kabahayan at opisina.
Sa ngayon ay nagpapatuloy naman aniya ang pagkilos ng mga awtoridad sa pagpapalikas at pagrescue ng mga apektadong mga residente mula sa mga lugar na pinaka-apektado ng Typhoon MAWAR.
Kaugnay nito ay nagbabala na rin ang embahada ng Pilipinas sa mga Pilipinong nagtratrabaho at naninirahan sa Japan ng abiso upang manatili ang mga ito na nakahanda sa maaaring maging epekto ng bagyo sa kanilang mga lugar.