-- Advertisements --

Nananawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa gobyerno na pakinggan ang panawagan ng mga Senador at Kongresista na ihinto ang operasyon ng POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.

Ayon kay Barbers, mas mabigat ang pinsalang idudulot ng POGO sa moralidad ng mga Pilipino at sa lipunan kumpara sa benepisyong dulot nito.

Paglilinaw ng mambabatas, hindi naman nito nilalahat, pero ang POGO ang tila naging ugat na naglikha at nagdala ng bisyo at krimen sa ating bansa.

Partikular na binanggit ni Barbers ang kidnap for ransom, prostitution, murder, extortion, online scamming tulad ng pishing at e-mail spoofing, illegal drugs, money laundering, human trafficking, graft and corruption, at iba pa.

Ipinunto rin ni Barbers na bawal sa China ang online gaming o kahit anong sugal kaya nakakadismaya na pinapayagan sa Pilipinas ang POGO.

Inihayag ni Barbers, batay sa nakuha nilang impormasyon ang POGO ang nagsisilbing daan para makapasok sa bansa ang mga prostitutes mula sa China, Myanmar, Malaysia at Vietnam na nagpapanggap na POGO workers.

Dismayado din sa Barbers na hindi naman nakamit ang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aabot sa P70 billion o higit pa ang maaring koleksyon ng pamahalaan sa POGO.

abante

Samantala, para naman kay Manila Representative Bienvenido Abante “Salot, hindi Sulit” ang makukuha mula sa operasyon ng POGO.

Ang pahayag na ito ni Abante ay makaraang ibinunyag ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na ang Pilipinas ay blacklisted ng People’s Republic of China dahil sa pananatili ng POGO sa ating bansa.

Ayon kay Zubiri, ipinaalam ito sa kanila mismo ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Pagbibigay diin ni Abante ang nasabing pahayag ay lalo lamang pinapalakas nito ang panawagan na ipagbawal na ang operasyon ng POGO sa ating bansa kung saan wala na tayong pakinabang ay nakakaapekto pa sa ating turismo at lipunan.

Tinukoy naman ni Abante ang datus mula sa Department of Tourism na noong 2019, kung saan umabot sa 8.26 million dayuhang turista ang bumisita sa bansa kung saan 21.1% o katumbas na 1.74 million ay mula sa China.