-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Idinaan sa kilos protesta ng ilang mga magsasaka sa Rehiyon 12 ang kanilang kasalukuyang kalagayan sa usapin ng murang presyo sa pagbebenta ng kanilang palay.

Idinadaing kasi ng mga ito ang P12 kada kilo na presyo sa pagbenta ng palay ngunit masyado umanong mahal na halaga kapag bigas na ang binebenta.

Makikita sa mga placards ng mga ito ang kanilang sama ng loob kung saan kanilang sinisisi ang Rice Tariffication Law at apelang itaas ang kanilang mga subsidiya.

Kaugnay nito, ibinahagi naman ni City and Provincial Agriculture and Fisheries Council Chairperson Roy Moreno sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal na kakulangan umano sa mga pasilidad lalo na sa mga dryers ang tinitingnang dahilan bakit hindi mabuti ang kalidad ng mga palay dahilan na mura umano ang palay na binebenta.

Kaya ipinapanawagan niya sa pamahalaan lalo na sa Department of Agriculture (DA) na tutokan ang problemang kinakaharap ng mga magsasaka upang makabawi naman ang mga ito.

Sa bahagi naman ng tanggapan ng National Food Authority (NFA) tiniyak nilang konti lamang ang hihingin nilang mga requirements upang hindi na mahirapan pa ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang mga palay.